RICHARD S. ORBISO
Sacristan Major, EMHC – Saint John Bosco Parish, Tondo
Noong nakaraang 21, Nobyembre 2019, tinext ako ni Fr. Rey Ranjo, SDB. Inaanyayahan na magbigay ako ng ‘Good Night’ sa mga kabataan pagkatapos ng Rosary ng 7:30 pm. Sumagot ako na ‘ Sige po, Father, I’ll try my best.’ Sa yugto iyon ay bigla akong napatingin sa estatwa ni Mary, Help of Christians (nasa loob ako ng simbahan at katatapos lang maghanda ng gamit para sa Misa).
Nagsimula akong maglingkod sa Don Bosco Tondo noong ako ay Grade 3, ilang araw pagkatapos malibing ang aking ama. Doon ko sinimula na maglingkod bilang KOA. Nanatili ako sa KOA hanggang ako ay makatuntong sa Kolehiyo. Dumating lang ang panahon na kinakailangan ko huminto ng aking pag-aaral at maghanap ng trabaho sa kadahilanan: hindi na kayang tustusin ng aking Ina ang aking pag-aaral sa kolehiyo. Bago noon ang Kura Paroko ng Parokya ni San Juan Bosco, si Rev. Fr. John Andreu. Noon ay may bali-balita na naghahanap ng sacristan ng simbahan. Nag-apply ako sa kanya mismo. Wala akong katiyakan na matatanggap dahil marami ang nauna nang nag-apply bago sa akin. Hindi na ako masyadong umasa. Hanggang ng sumapit ang ika-1 ng Nobyembre, 2002 pinatawag ako ng sacristan mayor na si Kuya Enrico Magante. Sabi ni Kuya sa akin: ‘Tanggap ka na!’ Hindi ko pinaniwalaan ang kanyang sinabi dahil nga sa dami ng nag-apply at yung iba ay kamag-anakan niya. Subalit nung sandaling hinahanap ko si Fr. John para malaman kung totoo nga, biglang gulat kong nakita si Padre. Bigla akong binatukan nang pabiro at ang sabi: ‘ Noong isang araw pa kita hinahanap….sige magsimula ka nang magtrabaho.’ Hindi ako makapaniwala sa sinabi niya. Tuwang-tuwa ako at laking pasasalamat ko kay God at kung kani-kaninu ako nagpasalamat. Subalit napapansin ko na may kulang pa ang aking dapat pasalamatan pero pinalagpas ko na lang. At ako nga ay naging sacristan. Noong taong 2005, nagresign ang sacristan mayor. Ako siyempre ang pumalit.
Maraming dumating na na hamon sa buhay ko, sa pamilya at sa aking trabaho bilang sacristan mayor. Sa tulong at gabay ng mga paring Salesiyano. Muli ako ay nagpasalamat sa kung sinu-sino pero ang pakiwari ko, may kulang pa din. Sa panahong iyon, nakilala ko ang isang estudyante ng TVET, ako ang naging unang boyfriend niya. May matagal kaming naging magkasintahan hanggang sa nagpakasal kami sa simbahan ng Sta. Cruz, Manila at tinanggap ang Sakramento ng Kasal. Gayun din, maraming pagsubok ang dumating sa buhay naming magasawa. Aming nalampasan ang mga iyon at lubos kaming nagpapasalamat, hanggang sa dumating ang isang pagsubok at para bagang mahirap malampasan at mukhang mabigat na dadalhin sa matagal na panahon. May ilang buwan na kaming magasawa ngunit hindi pa kami magka-anak. Nagpatingin kami sa specialist O B Gyne. Ang resulta: May problema sa matris ang aking asawa. Tinapat kami ng doktor na siya ay mahihirapang magbuntis. Ang kailangan daw ay dasal at himala mula sa Maykapal. Matapos ng medyo matagal na paguusap sa doctor, kapwa kaming nanlumong mag-asawa. Lungkot na lungkot kaming umuwi at sa pakiramdam ko ay “end of the world” na naming dalawa. Halos araw-araw, lungkot at pighati ang aking nararamdaman. Hindi ko magampanan ng maayos ang aking trabaho sa simbahan.
Dumating ang nalalapit na kaarawaan ni Mama Mary, Setyembre 8. Kinagabihan ng Kanyang kaarawan napansin ko na walang nag-aayos o nagdedecorate ng estatwa ni Mary, Help of Christians sa simbahan. Agad na nilapitan ako ng bisperas ding iyon ng worship coordinator na ako na lang daw ang magdecorate. Labis ang pagtanggi ko. ‘Bakit ako? May mga naka-assign, di ba?’ Sabi ko, ‘marami ang mga Marian groups na puedeng magdecorate kay Mama Mary.’ Pero pilit pa rin akong kinumbinse: “Sige na. Ikaw na ang magdecorate sa Kanya, malay mo imbis na ikaw ang magregalo sa Kanya, ikaw mismo ang reregaluhan Niya sa araw ng birthday Niya.” Dahil na din sa labis na pakiusap at mukhang wala na talaga magdedecorate, ako’y nagsimulang magdecorate. Hindi ko na masyadong inisip ang huling sinabi niya at sinimulan kong magdecorate. Inabot ako ng hatinggabi at madaling araw na nakauwi. Pagdating sa Bahay ay nakatulog agad ako dala ng kapaguran.
Setyembre 8, 4:00 ng madaling araw, pilit akong ginigising ng asawa ko. Sa mukha niya nakikita ko ang tuwa niya. Sabi niya: “Pa, gising! Gising!” Ang sabi ko: “Ano yun? Pagod ako, kani-kani lang ako nakauwi.” Sagot niya, “Basta gumising ka. May ipapakita ako sa iyo.” Ipinakita niya sa akin ang pregnancy test. Laking gulat ko at kaba… 2 layers! (ang ibig sabihin… pregnant/nagdadalang-tao ang misis ko) Tuwang-tuwa ako. Doon ko napagisip-isip ang sinabi huli ng worship coordinator…na baka ako regaluhan… Tuloy-tuloy ang pagdadalantao ng misis ko. Sa bawat pa-check up laging maayos at okay at magiging maayos ang pagsilang ng anak naming.
Sa pagreport ko sa simbahan, hindi ako makatingin ng maayos sa estatwa ni Mary, Help of Christians na aking inayusan. Hiyang-hiya akong tumingin sa kanya. Noon ko nadama na ginagabayan at inaalagaan niya kami. Siya pala ang missing sa aking dapat pasalamatan. Kaya lakas loob akong lumapit at nagdasal sa kanya: “Mama Mary kapag dumating ang araw ng binyag ng anak ko… iaalay ko sa Iyo ang aking anak.” Dumating ang araw ng panganganak ng asawa ko. Maayos niyang isinilang ang isang baby GIRL. Pinangalan naming siyang MARIA ALTHEA. Binigay ko ang pangalang Maria dahil noong birthday mismo ni Mama Mary ang pagdadalang-tao ng misis ko. Dumating ang binyag ni Maria Althea at matapos ang binyag tinupad ko ang aking pangako. Sa harapan ng estatwa ni Mary, Help of Christians inialay ko ang aming anak. Labis, labis akong nagpasalamat sa kanya. Siya ang nagkaloob ng aming anak. Yun ang himalang naging sagot sa problema naming mag-asawa. Di lang ditto nagtapos ang mga biyayang aming natanggap.
Noong ika 28 ng Setyembre (buwan din iyong) naging member ako ng Eucharistic Lay Minister parokya, hanggang ngayon. Habang sinusulat ko ito, ang aking si Maria ay Grade 3. Patuloy siya nabibiyaan dahil mula noong Kinder 1, 2, 3, lagi siyang TOP one ng klase at nang Grade 1, 2, 3 siya ay langing honor student at kapag siya sumasali sa mga competitions ay lagi siyang nanalo at kinalulugdan ng pansin ng marami. Totoo nga pala ang mga naririnig ko na ipingangaral ng mga Salesyano na mamintuho sa kanya at totoo pagpapalain ka. Kaya sa gitna ng mga pangyayaring ito sa buhay naming mag-anak ay masasabi ko ayon na rin sa titik ng awit sa Ina ng Sto. Rosaryo: “May isang inang nagmamatyag, nagmamahal sa atin.” Ilagay natin sa buhay ng mag-asawa, buhay ng pamilya si Mary, Help of Christians. Ito ang sinabi ko nung gabing iyon sa ‘good night’ sa mga kabataan ang kahalagahan ni Mary, Help of Christians. Ako ay labis na nagpapasalamat sa kanya dahil hindi niya ako pinababayaan at ganun din ang aking mag-anak. Maraming, maraming Salamat po Mahal naming Ina.
Minsan nagtanung ang anak ko: “Daddy, bakit Maria po ang ipinagalan ninyo ni mama sa akin? Bakit kailangan ko lagi mag-alay kapag feast day niya?” “Dahil anak sa pamamagitan ni Maria Tulong ng mga Kristiyano, ibinigay ka ng Diyos sa amin….”



